Naniniwala tayo sa nakasulat sa
larawan na ang Iglesia ni Cristo ay tunay na bayan ng Panginoong Diyos. Na
tulad ng dati ay may bayan ng Panginoong Diyos talaga na pinipili, tulad sa
panahon ng mga Israelita, panahon ng mga hudyo, at sa pagkatatag ng unang
kristiyano sa panahon ng mga apostol. Sa ating panahon ay palagi nating
naririnig ang katagang... "Basta Iglesia ni Cristo ka ligtas ka",
"Kung kaanib ka sa Iglesia ni Cristo, ligtas ka!",
"Ikinararangal ko na ako'y Iglesia ni Cristo". Naging palasak na kataga
na ang mga iyan na naririnig natin sa mga kapatid dahil sa turo sa atin na
"Iglesia ni Cristo lamang ang ililigtas". Kaya naman marami na ang
nahuhulog sa pagkakasala dahil gayon na lamang ang pinananaligan at hindi ang
ganap na pagbabagong buhay na dapat maitanim sa isip ng bawat isa para sa
ikaliligtas. Alam ba ninyo na halos ganyan din ang isinasambit ng mga unang
bayan ng Panginoong Diyos noon? At ano ang pahayag ng Panginoong Diyos sa
kanila?
Basahin natin..
Isaias 48
2Ipinagmamalaki ninyong kayo'y
nakatira sa banal na lunsod;
at kayo'y umaasa sa Diyos ng Israel;
ang pangalan niya ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
Jeremias 7
4Huwag ninyong dayain ang inyong
sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni
Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.
Nahayag sa atin na katulad lang din
noon ang ikinikilos ng bayan ng Diyos ngayon. Hindi natin dapat ipagmalaki na
tayo ay kaanib sa bayan ng Diyos dahil tayo ay nakatala lang bilang kaanib,
sapagkat walang kabuluhan para sa Ama ang mga katagang iyan. Ang nais ng Ama ay
ang mabubuting gawa, pagiging mabuting tagasunod Niya at hindi natatapos sa
pagiging miyembro mo sa bayan niya. Kaya nga ang pahayag Niya ay...
Jeremias 7
8“Bakit kayo nagtitiwala sa mga
salitang walang kabuluhan? 9Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya,
nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga
diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at
pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas
kami rito!’ 11Bakit? Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw?
Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.
Mula sa pahayag ng Panginoong Diyos sa
mga talata ay walang kabuluhan sa Kanya ang mga katagang laging naririnig sa
bayan Niya mula pa noong una na iyan ang pagmamalaki nila na sila ay nasa bayan
Niya. Mas mahalaga sa Ama ang mabuting gawa para matawag na tunay na bayan ka
Niya.
Ipakilala ang pagiging bayan ng Diyos
sa pamamagitan ng mabubuting gawa sapagkat dito mo maipapakita sa lahat na
tunay nga tayong templo ng Diyos na pinananahanan ng Kanyang Espiritu. At kung
ipinagmamalaki mong kaugnay ka sa bayan ng Diyos at gumagawa ka naman ng kasamaan
ay hindi ba natin masasabing ikaw narin ang nagwasak sa templo ng Diyos sa
harap ng madla? At kung ito ang sasadyaing gawin ng isang nagpapakilalang nasa
bayan ng Diyos ay parusa ang igagawad ng Ama batay narin sa nakasulat.
1 Corinto 3
16Hindi ba ninyo alam na kayo'y
templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17Paparusahan ng
Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos,
at kayo ang templong iyan.
Ganyan parin ang isinulat ni Apostol
Pablo sa iba pang mga talata sa Biblia.
Roma 2:13, 23
13Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa
Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.
23Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng
Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag
mo sa Kautusan!
Kaya hindi natin maipagmamalaki na
saklaw tayo ng kautusan sa pagiging kaanib natin sa bayan ng Panginoong Diyos
kung sinasadya natin ang kasalanan na nakakasira sa pangalan ng Panginoong
JesuCristo. Hindi tamang sabihin na basta Iglesia ni Cristo ka ligtas ka habang
patuloy mong sinasadya ang kasalanan at nakikipag isa sa gawang sanlibutan.
2 Corinto 6
14Huwag kayong makiisa sa mga hindi
mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan,
gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama. 15At kung paanong
hindi magkasundo si Cristo at si Satanas, ganoon din naman ang mananampalataya
at ang hindi mananampalataya. 16Hindi maaaring magsama ang mga dios-diosan at
ang Dios sa iisang templo. At tayo ang templo ng Dios na buhay! Gaya ng sinabi
ng Dios,
“Mananahan akoʼt mamumuhay sa
kanilang piling.
Akoʼy magiging Dios nila,
at silaʼy magiging mga taong sakop
ko.
17Kaya lumayo kayo at humiwalay sa
kanila.
Layuan ninyo ang itinuring na marumi
at tatanggapin ko kayo.
1 Juan 1
6Kung sinasabi nating may pakikiisa
tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo
at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan
_________________________________________________
Hindi rin tayo pwedeng humatol laban
sa iba dahil walang itinatangi ang Panginoong Diyos, kaanib man o hindi sa
bayan Niya.
Katunayan..
Roma 2:1-3, 6-7
1Kaya nga, sino ka mang humahatol sa
iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin
ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. 2Nalalaman
nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. 3Akala
mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng
masasamang gawaing ginagawa mo rin naman?
6Sapagkat igagawad niya sa lahat ng
tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7Bibigyan niya ng buhay na walang
hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan,
kadakilaan at kawalang kamatayan.
Roma 2
9Paghihirap at kapighatian ang
daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga
Griego. 10Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng
bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego
11sapagkat walang itinatangi ang Diyos.
Malinaw ang naging pahayag ni Apostol
Pablo, hindi komo kaanib ka sa bayan ng Diyos ay siguradong ligtas ka na (Mga
hudyo ang bayan ng Diyos noon) at hindi komo isa kang griego/hentil ay
siguradong hindi kana ligtas, malinaw ang nakasulat sa talata..."Walang
itinatangi ang Panginoong Diyos". Humahatol siya ayon sa gawa ng tao.
Hindi ikaw na kaanib lang sa bayan ng Diyos ang hahatol sa mga taga labas kung
hindi ang Ama ang hahatol sa kanila kung ililigtas sila o hindi.
Ang mga hindi saklaw ng kautusan sa bayan
ng Diyos.
Roma 2
12Ang lahat ng nagkakasala na hindi
saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang
iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan
batay sa Kautusan. 13Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang
sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.
14Kapag ang mga Hentil na hindi
saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas
na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15Ipinapakita ng
kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan.
Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y
sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa
kanilang isipan.
Exodus 32:33 (ASND)
Sumagot ang Panginoon kay Moises,
“Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat
ko.
Malinaw ang nakasulat sa talata...
"Kung sino ang nagkasala ay siyang buburahin sa aklat". Ang Ama ang
hahatol kung ililigtas niya o hindi ang isang tao. Wala tayong karapatang
humatol laban sa iba sapagkat maging tayo ay nakakalabag din naman. Mas mainam
na pagsikapan natin ang pagbabagong buhay upang maging ilaw tao sa sanlibutan
upang sa gayon ay makilala nila mula sa ating mga gawa na tayo nga ay tunay na
bayan ng Diyos.
Ano ngayon ang pagkakaiba ng isang
kaanib sa bayan ng Diyos sa hindi kaanib?
Roma 3
1Kung gayon, paanong nakakalamang ang
Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? 2Napakarami! Una sa
lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga mensahe ng Diyos.
Kaya mapalad tayo dahil tayo ang
nakakaalam ng lahat ng katotohanan. Mas bukas ang isipan natin na makasunod sa
ninanais ng Ama. Tayo ang nangunguna sa kaligtasan kung kaya lang nating sundin
ang lahat ng katotohanan at nagsisikap sa pagbabagong buhay.
Pahayag 5
10Ginawa mo silang isang lahing
maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa.”