Huwebes, Setyembre 26, 2019

Siya'y malapit na, nasa mga pintuan na nga...


Simula pagkabata ay lagi na nating naririnig ang babala sa atin sa mga texto sa pagsamba ang mga katagang..."Siya'y malapit na, nasa mga pintuan na nga". At minsan nasasabi natin sa ating mga sarili at maging sa ating mga nakakausap na..."Matagal ko na itong naririnig pero tumanda na ako ganun parin ang tinetexto sa mga pagsamba", hindi ba ito ay may katotohanan? Ganyan ang naisasambit natin kapag nakakadama tayo ng mga kaligaligan sa buhay na ito. Gustong gusto na nating matapos ang lahat sapagkat ang tanging hinahangad natin ay ang kapayapaan sa piling ng Panginoong Diyos na hindi naman natin talaga makikita sa buhay na ito na ating kinalalagyan. At sa mga taong makamundo na ang kinahihiligan ay ang kalayawan sa buhay na ito ay parati ding naisasambit ang mga katagang iyan, ngunit hindi dahil hinahanap nila ang tunay na kapayapaan kung hindi para kutyain ang aral sa Banal na Kasulatan. Mga kapatid man sila na mananamba, o mga maytungkulin ay mauunawa mo na sa kalooban nila ay hindi na talaga sila naniniwala sa nakasulat, sunod nalang sila sa tradisyon na makadalo lang sa mga pagsamba dahil yan na ang kanilang kinagisnan. Maytungkulin man sila sa loob ng Iglesia subalit hindi mo makikita ang mabubuting gawa sa kanila kung ang pag-uusapan ay ang pakikipagkapwa tao at pamumuhay bilang tunay na kristiyano. Marami ang nahihirati sa matinding kalayawan sa buhay na ito at hindi na isinasabuhay ang mga aral na naririnig mismo nila sa mga pagsamba sapagkat para sa kanila paulit-ulit lang naman ang mga tinetexto at paulit ulit ding naririnig ang pahayag na..."Siya'y malapit na, nasa mga pintuan na nga". Kaya nga tayo pinaghahanda sapagkat hindi natin talaga alam ang eksaktong oras, bagama't mayroon namang mga palatandaan na nagaganap naman na sa kasalukuyan sa loob ng bayan ng Panginoong Diyos at nakikita narin natin ang palatandaan sa iba't ibang panig ng mundo na hindi na talaga naayon sa nakasulat ang naipapatupad at nasusunod ng tao.

Mateo 24 32“Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na ang pagdating ng Anak ng Tao, talagang malapit na.

At batay sa nakasulat kapag nakita na ang mga bagay na ito ay darating na ang pinakamatinding kaganapan na gagawing pagpaparusa ng Panginoong Diyos sa tao batay sa turo ng Panginoong JesuCristo habang tayong nakasaksi sa mga palatandaan ay nabubuhay pa sa kasalukuyang panahon.

Mateo 24 34Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon.

Ang paghahandang binabanggit ay ang ganap na pagbabagong buhay at hindi yung makadalo ka lang sa mga pagsamba o makatupad ng tungkulin bilang pakitang tao lang sa harap na kunwa'y masigla ka talaga at tunay na kaanib sa katawan ng Panginoon.

Pahayag 3:3 (ASND)Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating.

Sa mga nagsisikap makasunod at sinisikap magbagong buhay ay hindi na mabibigla sa araw na iyon bagama't hindi natin alam ang eksaktong oras ng kaganapan ng lahat ng ibinabababala ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Panginoong JesuCristo.

1 Mga Taga-Tesalonica 5:4 MBB05 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw.

Kaya batay sa ating mga gawa ay mauunawaan na natin kung ano ang magiging kapalaran ng bawat isa

Mateo 24 40Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon.