Lunes, Setyembre 30, 2019

Ang iba pang palatandaan sa huling panahon bago ang paghuhukom...


May mga babagsak at may mga magsisisi sa nakatakdang araw sapagkat ito na ang panahon ng paglilinis. Ito ay kaugnay sa dating naihayag sa link na ito https://web.facebook.com/photo.php?fbid=113491573103795&set=a.101064067679879&type=3&theater , mainam na muling basahin upang lalong maunawa ang mga maihahayag ngayon.

Ang nakatakdang paglilinis


Isaias 48:1-10 (ASND)
Matigas ang Ulo ng bayan ng Diyos
1“Makinig kayo, mga lahi ni Jacob, kayong tinatawag na Israel, at nagmula sa lahi ni Juda. Sumusumpa kayo sa pangalan ng PANGINOON at tumatawag sa Dios ng Israel. Pero pakunwari lang pala, dahil hindi naman matuwid ang inyong pamumuhay. 2Sinasabi pa ninyong kayoʼy mga mamamayan ng banal na lungsod, at nagtitiwala kayo sa Dios ng Israel, na ang pangalan ay PANGINOONG Makapangyarihan.” 3Sinabi niya sa inyo, “Sinabi ko na noon pa kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. At itoʼy aking isinakatuparan. 4Alam ko kung gaano katigas ang inyong ulo. Ang inyong leeg ay kasintigas ng bakal at ang inyong noo ay kasintigas ng tanso. 6Narinig ninyo ang aking mga propesiya at nakita ninyo ang katuparan ng mga ito, pero ayaw ninyong tanggapin na ako ang gumawa nito. Mula ngayon, sasabihin ko sa inyo ang mga bagong bagay na hindi ko pa ipinahayag sa inyo. Hindi pa ninyo ito alam. 7Ngayon ko pa lamang ito gagawin para hindi ninyo masabing itoʼy alam na ninyo. 8Hindi ninyo napakinggan o naunawaan ang mga bagay na ito dahil mula pa noon nagbibingi-bingihan na kayo. Alam ko ang inyong kataksilan dahil mula pa noong kayoʼy isinilang mga rebelde na kayo. 9Alang-alang sa karangalan ko, pinigilan ko ang aking galit sa inyo para hindi kayo malipol. 10 Lilinisin ko kayo pero hindi katulad ng paglilinis sa pilak, dahil lilinisin ko kayo sa pamamagitan ng paghihirap.


Kaya nakatakda talaga ang paglilinis sa pamamagitan ng paghihirap base narin sa nakasulat sa talata sa itaas. Inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagkadismaya sa kanyang bayan sapagkat nanumpa sila sa Kanya na maglilingkod subalit hindi naman maayos ang kanilang mga pamumuhay. Alam natin ang kaganapan ngayon at lahat ay hayag sa ating mga mata.

Sa nakatakdang araw lahat ng karumihan sa bayan ay aalisin pati narin ang mga bulaang propeta na nagpapakikilang sila ang Cristo na ipinapaunawa nila sa iba na sila ay messias na katulad ng Panginoon. Kung magmamasid lamang kayo ay marami ang nagpapakilala at gumagamit ng mga talatang nakaukol lamang sa Panginoon, ngunit sa mga susunod na paghahayag ay mauunawa ninyo ang tunay na kahulugan ng “Paghahari” na nakasulat sa mga talatang inaangkin nila.

Ang paglilinis sa bayan ng Diyos ayon sa nakatakdang katuparan ng mga salita ng Panginoong JesuCristo na siyang tunay na Messiah at Cristong Panginoon..



Zacarias 13
Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan
1-2Sinabi ng PANGINOONG Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila. 3At kung mayroon pang magpapanggap na propeta, ang mga magulang niya mismo ang magbibigay ng babala na karapat-dapat siyang patayin, dahil nagsasalita siya ng kasinungalingan at sinasabi pa na ang mensahe niya ay mula sa PANGINOON. At kung patuloy pa rin siyang magpapanggap na propeta, ang amaʼt ina niya mismo ang sasaksak sa kanya. 4Ang mga propetang iyon ay mapapahiya sa mga sinasabi nilang pangitain. Hindi na sila magsusuot ng mabalahibong damit na pampropeta upang manlinlang.


Inihula na iyan ng Panginoong JesuCristo para sa huling panahon at kailangan lamang unawain ang kanyang mga ipinahayag na ang isa sa mga tanda bago ang kanyang pagparito ay ang pagdating ng mga bulaang Cristo na magpapakilalang messiah at ang pagdating ng maraming masasamang espiritu base sa pahayag sa Zacarias 13.



Mateo 24
24Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 25Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.


Pansinin ninyo ang mga pahayag ng Panginoon na pati ang mga pinili niya ay madaraya, at noon pa man ay nagbabala na siya upang makapaghanda tayo. Mula pa sa mga turo niya ay huwag kayong maniniwala kung naroon man sa silid ang Cristo o ang turo niya ay sa ilang. Sapagkat alam naman natin na nag-iisa lang ang messiah na anak ng Panginoong Diyos at siya ay darating o babalik na parang kidlat mula sa kalangitan tulad ng nasusulat…



Mateo 24:3-4, 26-28
3Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. 5Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw.
26“Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’ huwag kayong maniniwala. 27Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. 28May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ”


May patalinhaga pa siyang pahayag na “Kung nasaan ang mga bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre”. Ang bangkay ay pinupuntahan talaga ng mga buwitre, at alam naman nating ang mga bangkay ay tumutukoy sa mga walang pananampalataya sa turo ng Panginoon o sa nakasulat sapagkat ang tubig na nagbibigay buhay ay ang mga salita ng Panginoon.


Juan 7:38 (ASND)
Sapagkat sinasabi sa Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa akin.”



Kaya nga kung hindi mo pinananaligan ang mga Salita ng Panginoon ay maituturing kang patay sa pananampalataya sapagkat hindi dumadaloy sa iyo ang tubig na nagbibigay buhay. At ikaw ay ang bangkay na kakainin ng mga buwitre o nagsasamantala sa sitwasyon sa mga pangyayari sa bayan ng Panginoong Diyos ngayon.

Kaya nga ang pinakaadhikain ng aming paghahayag dito ay ang pagpapakilala sa pagiging tunay na messiah ng ating Panginoong JesuCristo na hindi kinilala ng mga hudyo noon. Ipinakikilala namin ang mga katuparan ng kanyang salita na siyang tunay na propeta.

Hindi na tayo kailangang maniwala sa turo ng ibang nagpapakilalang Cristo sapagkat kung magsasaliksik ka lamang sa mga salita ng Panginoon ay ibibigay sa iyo ang kasagutan sa lahat ng nais mong malaman.


Mateo 7:7 (ASND)
“Humingi kayo sa Dios, at bibigyan kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang hinahanap nʼyo, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo.


1 Juan 2:27 ASND
Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.



Juan 16
13Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14PARARANGALAN NIYA AKO dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.


Kaya nga lahat ng kapurihan at karangalan ay ipinatutungkol natin sa Panginoong JesuCristo bilang isang propeta, messiah at ginawang Cristong Panginoon.


Pahayag 5
12Umaawit sila nang malakas,
Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, parangal, papuri at paggalang!”
13At narinig kong umaawit ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,
“Ibigay sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!”

-----------------

Ang Panginoon ay kasama natin hanggang sa katapusan ng Panahon sapagkat nasa tunay na mananampalataya ang kanyang Espiritu.


Mateo 28:20
20Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”